Preso nagsakit-sakitan, escorts natakasan

Kinilala ang preso na si Sherwin Rodriguez na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na walang katapat na piyansa.

MANILA, Philippines — Isang preso na may kaso sa droga ang matagumpay na nakapuga habang isinusugod sa pagamutan matapos na magkunwaring sumasakit ang kanyang tiyan mula sa isang piitan sa Binangonan, Rizal kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang preso na si Sherwin Rodriguez na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na walang katapat na piyansa.

Batay sa ulat ng Rizal Police Provincial Office (RPPO), dakong alas-3:43 ng madaling-araw nang magawang makatakas ang suspek mula sa kanyang custodial officer na si PO1 Romar Banggawan pagsapit nila sa Barangay Calumpang.

Nauna rito, dumaing umano ng pananakit ng tiyan si Rodriguez kaya’t nagpasya ang mga pulis na ilabas siya ng selda at isugod sa Margarito Duavit Hospital. Gayunman, habang ibinabiyahe ay bigla umano nitong itinulak si PO1 Banggawan at saka mabilis na nagtatakbo.

Tinangka pang habulin ng mga police escorts si Rodriguez pero bigo siyang madakip muli.

Naglunsad na ng manhunt operations ang pulisya upang muling maibalik sa kulungan ang nakapugang preso.

Show comments