MANILA, Philippines — Tadtad ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at tigmak sa sariling dugo nang matagpuang patay ang isang kilalang aktor sa teleseryeng “Ang Probinsyano” sa kanyang tahanan sa Brgy. Biga 1, Silang, Cavite nitong Miyerkules ng hapon.
Pinaniniwalaang may dalawang araw nang patay bago matagpuan ang biktimang kinilalang si Arnold Corpuz, 38-anyos.
Nagtamo ang biktima ng 43 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-3:30 ng hapon nang madiskubre ng kamaganak nito ang wala nang buhay na biktima matapos nilang puntahan mismo sa tinitirhan nito.
Ayon pa sa pulisya, noong Lunes pa hinahanap ng kaniyang pamilya at mga kaibigan si Corpuz kaya napilitan ang mga itong pasukin na ang bahay ng aktor.
Dito na nagulantang ang mga ito nang madiskubreng patay na ang biktima na nakasuot lamang ng brief at may mga tama ng saksak sa likurang bahagi ng katawan, dibdib at braso na nakahandusay sa kanyang sala.
Narekober sa tabi ng bangkay ng biktima ang isang pares ng gunting at ang isang kutsilyo sa 3rd floor na posibleng siyang ginamit na murder weapon.
Ayon sa teorya ng pulisya, dalawang katao ang kasama ni Corpuz noong Linggo ng gabi base sa ayos ng mga sofa nito at ginamit na tatlong baso sa may balkonahe habang nawawala rin ang cellphone at mga alahas ng aktor kaya lumabas ang teorya na pinagnakawan ito.
Maliban sa Ang Probinsyano, gumanap din si Corpuz sa mga teleseryeng Bagani, at Be Careful With My Heart.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa kasong ito.