Parak sugatan sa sagupaan
MANILA, Philippines — Napaslang ang isang umano’y bomb expert ng Maute terrorist group habang isang pulis ang malubhang nasugatan matapos ang engkuwentro sa pinagsanib na elemento ng pulisya at militar na ikinaaresto ng misis ng umano’y lider ng teroristang grupo sa magkahiwalay na operasyon sa General Santos City nitong Lunes.
Kinilala ni Major Ezra Balagtey, spokesman ng AFP Eastern Mindanao Command ang napatay na suspek na si Najib Calimba Pundog alyas Najib Hussein, isang bomb expert ng Maute terrorist group.
Bandang alas–2:15 ng madaling araw nang magsagawa ng operasyon ang pulisya at militar sa Zone 3, Block 5, Brgy. Fatima, General Santos City.
Ayon kay Chief Supt. Marcelo Morales, director ng Police Regional Office (PRO) 12, si Pundong ay nakatala bilang No.1 sa mga miyembro ng grupong Maute na responsable sa Marawi City siege sa ilalim ng pamumuno ni Commander Abu Dar.
Nabatid na habang isinisilbi ang warrant of arrest na inisyu ng Judicial Branch 11 ng Malabang, Lanao del Sur laban kay Pundong nang magpaputok umano siya bunsod ng barilan ng magkabilang panig na ikinasugat ni PO3 Jerry Feo, miyembro ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) dahil sa tinamong apat na tama ng bala sa likod.
Nakuha sa suspek ang isang Glock .45 caliber pistol, isang Mitsubishi Sedan, isang bandila ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) terrorist, 2 granada at mga sangkap sa paggawa ng bomba.
Sa follow-up operations, nasakote naman dakong alas-7 ng umaga ang misis ni Abu Dar na si Nafisa Pundog sa safehouse ng grupo sa Purok Maunlad, Brgy. Apopong.
Pugante si Dar sa Marawi City jail noong 2016.