MANILA, Philippines — Napaslang ang dalawang pinaghihinalaang notoryus na miyembro ng robbery/holdup gang makaraan umanong makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa Tinambac, Camarines Sur kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga napatay na suspek na sina Jonald Llames at Enrique Sta. Ana, pawang miyembro ng notoryus na “Sta. Ana robbery holdup gang” na nag-ooperate sa lalawigan.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) V, dakong alas-2:15 ng madaling araw habang papasok at isinisilbi ng mga awtoridad ang search warrant sa safehouse ng mga suspek sa Brgy. Bagacay ng bayang ito nang salubungin umano sila ng mga putok ng mga suspek na nauwi sa barilan ng magkabilang panig.
Sa kasagsagan ng putukan, magkasunod na tumimbuwang ang dalawang target na suspek.
Bukod sa serye ng robbery/holdup, sinasabing sangkot din ang mga suspek sa illegal drug trade at illegal possession of firearms and ammunition.