Magsasaka niratrat na, pinugutan pa

LEGAZPI CITY, Albay , Philippines  —   Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang magsasaka sa kanyang nakaalitang kapwa magsasaka matapos siyang pagbabarilin at pugutan pa ng ulo sa Sitio Pajo, Brgy. Bangon sa Aroroy, Masbate kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Ruben Paghunasan Jr., 30-anyos, habang ang tumakas na suspek ay si Danilo Gonzaga, 50 anyos, pawang residente ng nasabing barangay.

Sa ulat sa Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-6:40 ng gabi, pauwi na si Paghunasan galing sa bahay ng isang kaibigan nang mapadaan sa bahay-gilingan o kamalig ni Gonzaga. Nang mapatapat sa kamalig ay biglang pinagbabaril ng suspek ang biktima na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Gayunman, nang makitang patay na ang biktima, nilapitan pa siya ng suspek dala ang itak at pinugutan ng ulo at saka tumakas sa hindi malamang direksyon. Isa sa anggulong tinitingnan ay ang matagal nang alitan ng dalawa. Nakuha ng mga rumespondeng pulis sa lugar ang tatlong basyo ng kalibre .45 baril.

Show comments