Ama tinodas ng 2 anak

MANILA, Philippines — Hindi na umabot pa nang buhay sa pagamutan ang isang ama matapos na katayin ng mismong dalawang lalaking anak nito naganap sa Purok Centro, Brgy. Ma­lasila, Makilala, North Cotabato, kamakalawa ng hapon.

Sanhi ng maraming sak­sak na tinamo sa katawan, dead-on-arrival sa ospital ang biktimang kinilalang si Socimo Susae, 58-anyos, isang magsasaka, residente ng natu­rang lugar.

Tinutugis naman ng mga otoridad ang dalawang suspek na anak nito na mabilis na tumakas matapos ang pananaksak na kinilalang sina Dante Susae, 29-anyos at ang kapatid nitong si Dennis, pawang mga residente rin ng nasabing lugar.

Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente alas-5:20 kahapon ng hapon kung saan nagkainitan umano sa kanilang pag-uusap ang mga suspek at ang biktima.

Dito ay unang bumunot ng kutsilyo si Dante at pinagsasaksak ang kanyang ama.

Inundayan din umano ng saksak ng isa pang suspek na si Dennis ang kanilang ama.

Nagtamo ang biktima ng maraming sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan na naging dahilan ng kamatayan nito.

Mabilis namang tuma­kas ang magkapatid matapos ang pamamaslang ha­bang agad na isinugod sa pagamutan ang biktima ng mga rumespondeng pulis ngunit idineklarang dead-on-arrival.

Show comments