MANILA, Philippines — Tatlo katao ang nasawi nang ma-trap sa nasusunog na bus habang 23 ang malubhang nasugatan makaraang aksidenteng makabanggaan ang truck na kargado ng tangke ng acetylene gas sa kahabaan ng Subic Clark Tarlac Expressway (SCTEX) sa Brgy. Sto. Niño, Concepcion, Tarlac nitong Martes ng gabi.
Ayon kay Supt. Augusto Pasamonte, hepe ng Concepcion Police, kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng tatlong nasawi na halos hindi na makilala sanhi ng matinding pagkasunog ng kanilang mga katawan na narekober sa loob nang nasunog na Five Star Bus na kanilang sinakyan.
Isinugod naman sa Dr. Eutiquio Anatacio Memorial Hospital sa Concepcion ang mga pasahero ng Five Star Bus na sina Tammy Tagana, 24; Arnolfo Quinto, 59; Alfie Fernandez, 24; Carolyn Fernandez, 24; Rose Ann Agbanlog, 26; Criselda Joy Pascua, 25; Richard Sabiron, 29; Beth Carbonel, 25; Felisa Bagon, 24 at driver ng pampasaherong bus.
Dinala naman ang driver ng truck na si Untalan at helper nito sa Concepcion District Hospital gayundin ang iba pang mga biktima na sina Veronico Policarpio, 48; Andrea Rose Policarpio, Dionisio Tibonsay, 33; Tristan Tibonsay, Shaian Amor Sotto, 34; Sharah Jane Esteban, 41; Mylene Martinez, 41; Jerome Ian Lee Balagtas, 19; Meriam Reyes, 25; 17-anyos na buntis na tinedyer at isang 12-anyos na batang lalaki habang ang driver ng isa pang behikulo na sina Manny Agravante at Jhomar Samson ay sa Tarlac Provincial Hospital naman isinugod.
Ayon kay Pasamonte, nangyari ang malagim na banggaan ng Five Star Bus (UYD 493) na minamaneho ni Rolando Untalan, 50 at Fuso Truck (RHD 831) na minamaneho ni Emmanuel Retardo,46 kasama ang helper nitong si Victor Ayen, 40,sa northbound lane ng SCTEX dakong alas-11:30 ng gabi.
Bigla umanong pumihit sa ikalawang linya mula sa emergency bay si Retardo bunsod upang makabanggaan nito ang kasunod na Five Star bus sa hulihang bahagi na naglikha ng pagsabog at pagkasunog ng bus.
“Involved po dito yung isang fuso truck at isang five star bus na kung saan nahulog sa may 5 meters na creek at nasunog na totally yung Five Star bus. Meron pong na-recover na hindi ma-recognize, sunog na po yung katawan yung 3 na hindi po makilala na na-recover po sa bus,” anang opisyal.
Ang sunog na bangkay ng tatlong pasahero ay dinala na sa Lotus Funeral Homes sa lungsod ng Tarlac ng nagrespondeng Scene of the Crime Operatives (SOCO).