MANILA, Philippines — Nasawi ang isang sundalo habang 25 pa ang nasugatan makaraang maaksidente ang sinasakyan nilang military truck matapos na bumaligtad sa isang lugar sa highway ng Brgy. Mirangan, Siay, Zamboanga Sibugay nitong Sabado ng madaling araw.
Sa report ni Army’s 1st Infantry Division (ID) Chief Major Gen. Roseller Murillo, bandang alas-12:00 ng madaling araw nang mangyari ang sakuna sa nasabing lugar.
Sinabi ng opisyal na isang sundalo ang nasawi sa naturang insidente pero tumanggi muna itong tukuyin ang pangalan ng nasabing sundalo dahilan sa kailangan pang impormahan ang pamilya nito.
Nabatid na sa 25 nasugatan ay 20 ang mga sundalo at lima naman ang mga sibilyan na mula sa pamilya ng ilang sundalo na lulan ng trak.
Ayon kay Murillo, ang nasabing mga sundalo ay mula sa Army’s 35th Infantry Battalion (IB) galing sa lalawigan ng Sulu at patungo sa Brgy. Pulacan, Labangan, Zamboanga del Sur para lumahok sa Squad Challenge ng hukbong katihan nang mangyari ang insidente.
Lumilitaw naman sa pagsisiyasat na nawalan ng kontrol sa manibela ang driver upang mangyari ang sakuna.