Van hulog sa bangin: 4 tigok, 9 sugatan
MANILA, Philippines — Tatlo kataong magkakamag-anak ang naitalang nasawi habang siyam pa ang nasugatan makaraang aksidenteng mahulog sa bangin ang isang pribadong van sa matarik na highway ng Bokod, Benguet nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Gemalyn Lorenzo, 28-anyos; Antonio Bulay, 65 taong gulang at Julie Umba-as, 52-anyos; pawang dead-on-the-spot. Dead-on-arrival naman sa pagamutan ang isa pang biktima na sin Alipio Bulay.
Samantalang isinugod naman sa Baguio City General Hospital ang mga nasugatang biktima para malapatan ng lunas kung saan dalawa sa mga ito ay nasa malubhang kalagayan.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) Director P/Chief Supt. Edwin Carranza, nangyari ang sakuna sa Brgy. Guesset, Bokod, Benguet dakong alas-8:00 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon ang mga biktima ay lulan ng Nissan private van (NV 350) na kinalululanan ng 12 katao patungo sa Madela, Quirino upang dumalo sa reunion at kasalan ng isa nilang kamag-anak nang mangyari ang trahedya.
Sa pahayag ni Joseph Gavino, 47-anyos, driver ng van, nasiraan umano ng brake ang sasakyan bunsod upang mawalan siya ng kontrol sa manibela.
Bunga nito ay tuluy-tuloy na nahulog sa bangin ang nasabing van na ikinasawi at ikinasugat ng mga biktima.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito.
- Latest