TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang isang 30-anyos na magsasaka makaraang sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa kasalubong na traysikel sa Barangay Mabnang, Claveria, Cagayan noong Lunes.
Sa report na nakarating kay Sr. Insp. Stanley Banan, hepe ng Claveria PNP; sinasabing nakainom si Rommel Velasco nang pasukin nito ang one way lane ng kinukumpuning highway at sinalpok ang kasalubong na traysikel na minamaneho ni Alvin Pagdilao, 23-anyos, dakong alas 7:30 ng gabi.
Mabilis namang naisugod ang dalawang drayber sa pagamutan ngunit sinawing-palad si Velasco na nalagutan ng hininga habang ginagamot.