MANILA, Philippines — Napatay ang isang lalaking sinasabing notoryus na tulak habang walong iba pa kabilang ang isang ex-convict ang naaresto ng pulisya sa isinagawang drug-bust operation sa koordinasyon sa PDEA-Region 3 sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan ng Bulacan.
Nasawi sa pinangyarihan ng insidente ang suspek na kinilalang si Jayson “Empoy” Lovenia, 31-anyos at residente ng Northville 5, Brgy. Batia sa bayan ng Bocaue.
Kaagad namang sinampahan ng mga kaukulang kaso sa prosecutor’s office ang mga naarestong suspek na sina Reytina Arandia, 32; Enrico Oliveros, 48; Sonny De Leon, 41; Cleto Enriquez, 39; Santos Rosero, 42; Larry Sotto, 37; Shiela Abunagan, 32 at Retchel Perez, 33.
Sa unang ulat ni P/Supt. Jowen Dela Cruz ng Bocaue PNP dakong alas-6:00 ng gabi ay nakipagtransaksyon ang isang poseur buyer na pulis laban kay alyas “Empoy” upang bumili ng shabu at habang nag-uusap ang dalawa ay napansin nito na isang parak ang kanyang katransaksyon kung kaya’y binunot nito ang kanyang baril ngunit mas naging maagap ang pulisya na agad siyang pinutukan na agad naman nitong ikinasawi.
Sa kabilang dako ay arestado naman sa mga tauhan nina P/Supt. Laurente Acquiot ng San Rafael PNP at P/Supt. Fitz Macariola ang walo pang mga drug suspek.
Narekober sa magkakasunod na operasyon ang isang .38 rebolber, mga bala, 28 pakete ng shabu iba’t ibang mga drug paraphernalias, P3,000.00 marked money.