Rescue ops nauwi sa shootout
MANILA, Philippines — Hindi na nagdalawang-isip na gampanan ang tungkuling sinumpaan ng isang bagitong babaeng pulis nang magbuwis ito ng kanyang buhay habang lima namang pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na kidnap for ransom (KFR) group ang napaslang sa nauwing shootout na rescue operations sa pagitan ng mga otoridad at mga suspek sa Maharlika Highway, Brgy. San Nicolas, San Pablo City, Laguna nitong Martes ng umaga.
Binawian ng buhay sa pagamutan habang nilalapatan ng lunas ang parak na si PO1 Sarah Andal, nakatalaga sa Candelaria PNP station habang patuloy na ginagamot ang iba pa niyang kasamahan na sugatan sa naturang shootout na kinilalang sina PO1 January Mendoza, 36; PO1 Jun Jun Villaflor, 28; isang tinukoy sa apelyidong PO1 Orlanes at isa pang bystander na si Sebastian Manalo, 26 gayundin ang nasagip na biktima na si Ronaldo Arguelles, 40 anyos.
Ayon naman kay Quezon PNP Director PS/Supt. Roderick Armamento, kasalukuyan pang inaalam ng Quezon at San Pablo City SOCO ang tunay na pagkakakilanlan ng mga napaslang na kidnaper na nagpanggap na mga pulis batay sa mga name patch na nakalagay sa mga suot nitong PNP uniform na sumalakay sa bahay ni Ronaldo Arguelles sa Cristina Village, Brgy Mangilag Sur, Candelaria, Quezon noong Lunes ng gabi.
Ayon sa ulat, tinangay ng mga suspek si Arguelles at mga mahahalagang kagamitan nito gayundin ang kotse nitong may plakang WBN-505 saka tumakas patungo sa direksyon ng San Pablo City.
Nabatid na ipinatutubos umano ng mga suspek ang biktima sa kanyang mga kaanak at nagkasundong magbabayaran sa isang lugar sa San Pablo City.
Habang isinasagawa umano ang bayaran ng dakong alas-6:00 ng umaga ay doon na kumilos ang mga awtoridad upang arestuhin ang mga suspek subalit nakahalata ang mga ito at pinaputukan ang mga pulis na nagresulta sa shootout ng ilang minuto na nagresulta sa pagkamatay ng limang suspek at ikinasugat ng apat na pulis kabilang si Andal na binawian din ng buhay kalaunan, isang bystander at ang kidnap victim na si Arguelles.
Ayon kay S/Supt. Armamento, inaalam nila kung may kaugnayan sa negosyong droga ang pagkidnap sa biktima dahil ito ay isa umanong High Value Target (HVT) sa drug war ng PNP at may mga nakabinbing kasong paglabag sa RA 9165 sa Candelaria, Quezon at San Pablo City.