TAYABAS CITY, Philippines — Hindi na umabot nang buhay sa Quezon Medical Center (QMC) dahil sa pagkabasag ng bungo ang isang misis samantalang malubha namang nasugatan ang kanyang mister matapos na mabangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo ng isang van sa Maharlika highway, Barangay Isabang, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Eliza Baylon, 43, samantalang ginagamot sa Lucena United Doctors Hospital (LUDH) ang kanyang mister na si Fernando Baylon, 49, kapwa mga residente ng Jael subdivision, barangay Ibabang Iyam, Lucena City. Sakay ng isang Yamaha MIO ang mag-asawa at galing sa Villa Lopez subdivision ng dakong alas 11:45 ng gabi subalit pagsapit nila sa crossing ay binangga sila sa hulihan ng Lucena City bound na Foton View traveller van (GB-2595) na minamaneho ni Mar Seda ng Gasan, Marinduque.
Tumilapon ang mag-asawa dahil sa lakas ng pagkakabangga.