MANILA, Philippines — Siyam na katao kabilang ang isang barangay tserman ang iniulat na nasugatan makaraang sumambulat ang inihagis na granada ng hindi pa nakilalang lalaki sa gitna ng kasayahan sa piyesta ng Banisilan, North Cotabato nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Brgy. Pantar Chairman Sonny Kadil, anak nitong si Kingboy Kadil, Jeffrey Salunayan, Jun Amad, Samrod Mamocao, Datu Ali Mamocao, Geradin Panangulo, Pedro Labaosares at Ismael Cañido.
Ang mga biktima ay mabilis namang isinugod sa pagamutan ng rescue team upang malapatan ng lunas.
Ayon kay Supt. Bernard Tayong, Spokesman ng North Cotabato Police, dakong alas -8 :45 ng gabi nang mangyari ang pagsabog na itinaon sa kapiyestahan ng nasabing bayan.
Sa imbestigasyon, nangyari ang pagsabog ilang minuto matapos mag-brownout sa lugar kung saan isang lalaki ang naghagis ng MK2 fragmentation grenade na bumagsak sa isang booth sa lugar.
Nasugatan naman sa pagsabog ang walo kataong nakikipagsayahan sa nasabing piyesta. Lumilitaw naman sa imbestigasyon na ang mga nasugatan ay mga kapamilya ni Kadil at mga supporters nito.
Isinasailalim na sa masusing imbestigasyon ang motibo ng krimen kung saan kabilang sa sinisilip na anggulo ay rido.