Abu Sayyaf Bomber, nasakote

Kinakapanayam ng mga mamamahayag sa kulungan ang sinasabing notoryus na bomber ng Abu Sayyaf Group na nasakote ng mga awtoridad sa bisinidad ng Barangay Divisoria sa Zamboanga City noong Lunes.
Roel Pareño

NORTH COTABATO  , Philippines  —  Ares­tado ang itinuturing na bomber ng teroristang Abu Sayyaf Group sa inilatag na operasyon ng mga awtoridad sa tinutuluyan nitong pension house sa Barangay Divisoria sa Zamboanga City, Zamboanga del Sur noong Lunes ng gabi.

Isinailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Banjar Idarus Engeng na may alyas Ben Akmad na tubong Basilan subalit nakatira ito sa Maharlika Village, Taguig City.

Base sa police report, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Zamboaga City Police na naka-check in sa pension house inn ang suspek na may misyong pambobomba.

Sa bisa ng search warrant, sinalakay ng mga tauhan ng Explosive Ordnance Division (EOD) ng pulisya ang kuwarto ng Serenity Pension House kung saan nadakip ang suspek.

Kaagad namang na-detonate ng mga EOD ang dalawang bomba na nakalagay sa bag na itinago sa drawer.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung kabilang si Akmad sa grupo ng mga terorista na unang naaresto sa Maynila na may plano rin na pambobomba.

Show comments