NORTH COTABATO, Philippines —Tatlo-katao ang namatay habang dalawa ang nasa kritikal na kondisyon makaraang araruhin ng oil tanker ang mga bahay sa bisinidad ng Barangay Marber sa bayan ng Bansalan, Davao Del Sur noong Byernes ng hapon.
Kinilala ang mga namatay na sina Kent Roxas, 17; Aleah Marie Umagap, 3; at si Milagrosa Salod, 65.
Naisugod naman sa ospital sina Sophia Mainit, 7; at Angel Erebias, 16, matapos magtamo ng mga sugat at bali sa katawan.
Maging ang driver ng oil tanker na si Jerald Pulpul ay nagtamo rin ng mga sugat sa katawan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, patungong Davao City ang oil tanker mula sa bayan ng Arakan, North Cotabato kung saan nagpreno ang driver pagsapit sa tulay.
Gayunman, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng oil tanker hanggang sa gumewang-gewang saka inararo ang mga bahay sa gilid ng kalsada.
Nakatakda naman kasuhan ng pulisya ang driver na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.