LUCENA CITY, Quezon, Philippines - Nabuwag ng pulisya ang sinasabing sindikato ng nakawan ng traysikel makaraang masakote ang lider nito sa Purok 3A, Barangay Dalahican sa Lucena City, Quezon, kamakalawa ng gabi. Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10883 (Anti-Carnapping Act of 2016) ang suspek na si Jimmy Mabilangan habang pinaghahanap naman ang tatlong iba pa na pansamantalang itinago ang mga pagkakakilanlan. Ayon kay P/Supt. Art Brual Jr., hepe ng pulisya sa Lucena City, ninakaw ng grupo ng suspek ang traysikel na pag-aari ni Hayel de Mesa habang ito ay nakahimpil sa gilid ng Maharlika Highway sa Barangay Kanlurang Mayao. Sa pakikipag-ugnayan kay Chairman Pedro Castillo ng Barangay Dalahican ay natunton ang pinagdalhan sa traysikel sa bahay ng suspek.