MANILA, Philippines - Umaabot na sa 674 katao ang nasawi kabilang ang mahigit sa 500 Maute-Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa ika-73 araw ng krisis sa lungsod ng Marawi.
Ayon kay Col. Edgard Arevalo, AFP Public Affairs Office (AFP-PAO) sa nasabing bilang, nasa 116 na ang security forces na nagbubuwis ng buhay sa pakikipagbakbakan sa Maute–ISIS.
Sinabi ni Arevalo na 45 ang nasawing sibilyan at nasa 513 na ang napapatay na terorista. Nasa 1,724 naman ang nasagip na mga sibilyang hostages na na-trap sa battle zone at 22 pa ang mga gusaling nabawi mula sa mga kalaban.
Ang krisis sa Marawi City ay nagsimula nang lumusob ang Maute-ISIS terrorist sa lungsod noong Mayo 23 na nagbunsod upang magdeklara ng martial law si Pangulong Rodrigo Duterte at pinalawig pa hanggang Disyembre 31, 2017 ng taong ito.
Sinabi naman ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año sa mga sundalong nakikipagbakbakan sa Maute-ISIS na manatiling buhay, ligtas at magwagi sa labanan. Aniya, tulad ng larong basketball ay unti-unti nang nagwawagi ang tropang gobyerno.