70-anyos lola nalunod sa water tank

MANILA, Philippines -  Matapos ang ilang araw na paghahanap, natagpuang patay sa nakabukas na tangke ng tubig ang 70-anyos na lola sa Barangay Poblacion, Sagay City, Negros Occidental kamakalawa. Kinilala ang biktima na si Eloisa Hilado na kaagad iniahon ng mga awtoridad ang bangkay nitong nakalutang sa tangke ng tubig. Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, natagpuan ang bangkay ng matanda kamakalawa sa may 12 metrong lapad at 30 metrong haba na may taas na 12 talampakan water tank. Ayon sa imbestigasyon, sinabi ng kasambahay ng matanda na si Marina Cabatuan na noon pang Abril 26 ng hapon umalis ang matanda sa kanilang bahay para hanapin ang alaga nitong pusa. Gayunman, nabigo itong makauwi kaya hinanap hanggang sa madiskubre ang bangkay nito kamakalawa na nakalutang sa tangke ng tubig. Sa teorya ng pulisya na nadulas ang matanda sa paghahanap ng pusa hanggang sa mahulog ito sa tangke ng tubig.

Show comments