Lalaki pinatay ng pinsan sa inuman

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines –Bulagta ang isang binata matapos itong saksakin ng kanyang pinsan nang magkainitan at magtalo habang nag-iinuman sa Sitio Bariw, Barangay Tabgon sa bayan ng Caramoan, Camarines Sur kamakalawa ng gabi. Kinilala ang biktima na si Alvin Barnuevo ng Barangay Bahay habang naaresto naman ang  suspek na si Nico Barnuevo, 29, ng Sitio Bariw, Barangay Tabgon sa nasabing bayan. Base sa police report na nakarating sa Camp Simeon Ola, dakong alas-11:30 ng gabi, nag-iinuman ang dalawa nang magtalo at maghamunan. Gayunman, nagsaksakan ang dalawa hanggang sa mapuruhan at bumagsak ang biktima. Kapwa isinugod sa Caramoan Municipal Hospital ang magpinsan pero idineklarang patay si Alvin. Arestado naman si Nico ng mga pulis nang makalabas sa nasabing pagamutan.

Show comments