BULACAN , Philippines - Isisilbi na ng pamunuan ng National Housing Authority anumang oras ang eviction notice laban sa 4,000 miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) na puwersahang umokupa sa anim na lugar sa Pandi, Bulacan may isang linggo na ang nakalipas.
Ayon kay P/Chief Insp. Manuel De Vera, hepe ng Pandi PNP at ground commander, hinihintay nila ang pagdating ng kinatawan ng NHA upang samahan at isilbi ang kalatas sa pamunuan ng Kadamay sa mga Barangay Mapulang Lupa, Siling Bata, Masuso at sa Barangay Cacarong Bata.
Sa panayam kay Elsie Trinidad, spokeperson ng NHA na ang notice of eviction ay upang ipaalam lamang sa mga miyembro ng KADAMAY na bibigyan pa sila ng isang Linggong palugit upang tuluyan bakantehin ang mga kabahayan na para sa mga miyembro ng PNP/AFP/BJMP at BFP personnel.
Nadamay din ang ipinagawa ng isang pribadong developer sa nasabing bayan.
Gayunman, iginiit ng mga miyembrong KADAMAY na nagpunta na sila sa Malacañang upang ipanawagan ang kanilang hinaing subalit idineklara naman ni Presidente Duterte na anarkiya ang ginawang pagpasok ng Kadamay sa nasabing lugar.
Samantala, ang iba naman na miyembro ng Kadamay ay nakahandang umalis sakaling ipakita ang eviction notice.