CAMARINES NORTE, Philippines - Patay ang 14-anyos na totoy habang sugatan naman ang kanyang ina at nakababatang kapatid na babae makaraang ratratin ng hindi kilalang gunman ang kanilang bahay sa Sitio Puro, Barangay Villa Pogado sa bayan ng Cataingan, Masbate noong Sabado ng gabi. Kinilala ni P/Senior Insp. Malu Calubaquib, Bicol PNP spokesperson, ang namatay na si Ariel Tubos na tinamaan sa dibdib habang sugatang naisugod sa Cataingan District Hospital sina Elvie Tubos, 32; at Angelica Tubos, 9. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-8:20 ng gabi, habang natutulog ang mga biktima sa kanilang bahay nang pasukin at pagbabarilin. Mabilis na tumakas ang gunman habang sinisilip naman ng pulisya ang anggulong alitan sa lupain.