Lider ng Abu ‘Lucky 9 Group’ utas sa encounter

MANILA, Philippines - Napaslang ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya  ang  lider ng “Lucky 9 Group” ng Abu Sayyaf Group (ASG) at isa sa mga kanang kamay nito sa mantinding bakbakan sa Bongao, Tawi-Tawi kamakalawa.

 Kinilala ni AFP Western Mindanao Command Spokesperson Capt. Jo-ann Petinglay,  ang nasawi na sina Ninok Sappari na wanted sa kasong 32 counts ng murder at tauhan nito na si Mahdi Abduhraman.

Ayon kay ARMM Dir. P/Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, nasilat ang planong pangingidnap ng mga suspek na naghahanap ng potensyal na mabibiktima sa Almari Beach Resort sa Brgy. Pahut  sa Bongao. Ang Lucky 9 Group ay sangkot sa serye ng pagpatay sa mga sundalo at kidnapping for ransom sa Sulu at Tawi-Tawi. Bandang alas-12:15 ng tanghali nang mapatay ng security forces sa encounter sa Brgy. Pahut, Bongao si Abdulrahman at bagaman nagawang makatakas ni Sappari ay napaslang din siya sa panibagong engkuwentro sa kanugnog na Brgy. Nalil, bayang ito bandang alas -9:30 ng gabi.

Show comments