MANILA, Philippines – Dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group ang napaslang makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng Philippine Navy at pulisya sa isinagawang maritime patrol operations sa karagatan ng Zamboanga City, Zamboanga del Sur noong Lunes ng tanghali. Ayon kay Captain Lued Lincuna, director ng Naval Public Affairs Office, kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawa na napatay sa karagatang nasasakupan ng Barangay Muti. Base sa ulat, nagsasagawa ng maritime patrol operations ang naval fast craft ng Philippine Navy lulan ang mga tauhan ng pulisya nang masabat ang mga bandido. Ang grupo ng mga bandido ay nangingikil sa mga mangingisda sa nasabing lugar. Nagkaroon ng ilang minutong bakbakan sa pagitan ng magkabilang panig kung saan napatay ang dalawa. Narekober sa encounter site ang cal. 45 pistol, granada, plastic sachet ng shabu at ang bangkang may tatak na Irsan na gamit ng mga bandido.