MANILA, Philippines - Nahagip ng kamatayan, isang araw bago ang paggunita ng Todos Los Santos ang isang lalaki nang masagasaan ng tren ng Philippine National Railways (PNR), sa bahagi ng Pandacan, Maynila, kahapon ng tanghali.
Kinilala lamang sa alyas na Ferdinand, ang nasawi na naputulan ng paa at nakaladkad ng tren ng ilang metro at tuluyang binawian ng buhay.
Sinabi ni P/Senior Insp. Arnold Sandoval, hepe ng Investigation Section ng Manila Traffic Enforcement Unit naganap ang insidente dakong alas 11:05 ng tanghali kahapon (Lunes), sa railroad na sakop ng Barangay 872 , Zone 95, Pandacan.
Iniimbestigahan na ang makinista na si Aldrin Delos Santos, ng PNR train body number MSC-1035, para sa inihahandang reklamong reckless imprudence resulting in homicide.
Posibleng hindi narinig ng biktima ang malakas na sirena kaya hindi agad ito nakaalis ng riles kaya nahagip at nasagasaan ang paa at sumabit pa sa pagtakbo ng tren.