LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Tatlo-katao ang iniwang patay habang tatlo naman ang nawawala kung saan aabot sa 14,400 residente ang apektado ang kabuhayan sa paghagupit ng bagyong Karen sa Kabikulan noong Sabado.
Kinilala ang mga namatay na sina Felicito T. Tesorero, 79, ng Brgy. Buenavista; Rowena Torrepalma, 17, ng Brgy. Cagraray sa bayan ng Bato, Catanduanes; at si Rene DL. Magtangob, 39, ng Bliss, Brgy. Sogod-Tibgao, bayan ng Virac, Catanduanes.
Pinaghahanap naman ang tatlong mangingisda na nawawala na sina Zaldy De Jesus, Luis Tupig kapwa nakatira sa Brgy. Buenavista; at si Renerio Del Valle ng Brgy. Tambongon sa bayan ng Viga, Catanduanes.
Sugatan naman si Cristina Orubia, 50, ng Purok 5, Brgy. Sta Rosa sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte nang salpukin ito ng lumilipad na barangay council sinage ng kanilang barangay.
Ayon kay P/Senior Insp. Ma. Luisa Calubaquib, PRO5 spokesperson, umabot sa 14, 400 residente ang inilikas sa iba’t ibang evacuation centers mula sa mga lalawigan ng Camarines Sur, Sorsogon, Catanduanes, Camarines Norte, Albay at Naga City habang naitala naman ang 3,047 stranded na pasahero sa mga pantalan sa Bicol Region.