NUEVA ECIJA, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng magbayaw matapos itong pagbabarilin ng mga hindi kilalang lalaki sa kahabaan ng highway sa Purok 4, Barangay Marcos District sa bayan ng Talavera, Nueva Ecija noong Biyernes ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Sheryl Paraiso-Santos, 31, self-employed; at Pedro Santos, 45, tricycle driver, mga nakatira sa Barangay Marcos District sa bayan ng Talavera, Nueva Ecija.
Ayon kay PO3 Marvin Verde, pauwi na ang mga biktima matapos dalawin sa Nueva Ecija Provincial Jail ang mister ni Sheryl kasama ang tatlong anak sakay ng traysikel ng kanyang bayaw nang harangin ng pulang kotse bandang alas-3:30 ng hapon.
Pinababa ng apat na armadong kalalakihan ang mga pasahero ng traysikel saka pinutukan sa ulo sina Sheryl at Pedro.
Hindi naman idinamay ng gunmen ang mga anak ni Sheryl.
Wala pang maibigay na detalye ang pulisya kaugnay sa motibo sa krimen na pinaniniwalaang may kaugnayan sa droga ang naganap na pamamaslang.