MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkaalarma at kalungkutan kahapon ang AFP-Western Command sa pambubugbog sa tatlong mangingisdang Pinoy ng Malaysian Navy matapos maaktuhang nangingisda malapit sa Rizal Reef sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Kinumpirma kahapon ni Captain Cheryl Tindog, spokesperson ng AFP-Westcom ang nag-viral sa social media pero noon pang Lunes (Mayo 9, 2016) naganap.
Nabatid na hindi kaagad nai-report ng mga biktima sa mga awtoridad ang insidente dahil nagpagamot muna ang mga ito sa tinamong pambubugbog ng mga sadistang Malaysian authorities.
Base sa ulat, naganap ang insidente malapit sa teritoryo ng Rizal Reef na inookupa ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea kung saan lulan ng F/B Justin Lloyd ang mga biktima nang harangin, tutukan ng baril at arestuhin ng Malaysian Navy na nagpapatrulya.
Ipinakita pa ng mga Pinoy ang kanilang mga dokumento pero sa halip ay agad silang pinosasan saka pinagtulungang gulpihin.
Nabatid na makalipas ang ilang araw ay dinala na ng Malaysian authorities sa mga awtoridad ng Pilipinas na nakabase sa Rizal Reef ang mga biktima.
Ipinarating na sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasabing insidente para maaksyunan ng pamahalaan.