Japanese kritikal sa holdap

MANILA, Philippines – Isang Japanese national ang nasa malubhang kalagayan matapos siyang pagbabarilin ng riding-in- tamdem sa bahay ng kanyang girlfriend sa Brgy. Agnaya, Plaridel, Bulacan kahapon ng umaga.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Peralta Hospital ang biktimang si Masaoka Hiroshi, 50,  at pansamantalang nakatira sa Doña Cris­pina Homes, Brgy. Agnaya, naturang bayan bunsod ng tinamo nitong dalawang tama ng bala sa katawan.

Base sa imbestigasyon ni PO1 Gabriel Samson, dakong alas-10:00 ng umaga habang kumakain at masayang nag-uusap sa may garahe ang biktima kasama ang nobya na si Nerris Antonio at isa pang Japanese national na si Tomoyori Dempora nang biglang may huminto sa tapat ng gate na motorskilong Yamaha MIO Sporty na walang plaka lulan ang dalawang ‘di kilalang lalaki.

Mabilis na bumaba sa motorsiklo ang backrider at agad na pumasok at tinutukan ng ‘di mabatid na kalibre ng baril si Dempora. Puwersahang kinuha ang bag nito na naglalaman ng P30,000, Y70,000, passport at iba’t ibang mga identification cards at saka tumakas.

Dito na tumayo si Hiroshi at sa pag-aakala ng armadong suspek na lalaban ang dayuhan, agad siyang binaril ng dalawang beses sa katawan at mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng Malolos City.

Show comments