Army vs NPA: 3 patay
MANILA, Philippines – Tatlong sundalo ang napatay habang tatlo naman ang nasugatan sa naganap na madugong sagupaan ng mga sundalo ng Phil. Army at mga rebeldeng New People’s Army sa liblib na bahagi sa Pantukan, Compostela Valley noong Miyerkules.
Kinilala ang tatlo na si Lt. Ralph Pantonial ng Philippine Military Academy Class 2010, commander ng Charlie Company ng Army’s 46th Infantry Battalion; Pfc. Eulezys Bantulo, at si Private First Class Moreno. Ginagamot naman sa Metro Davao Hospital ang mga sugatang sina Pfc. Melvin Velonta, Cpl. Jestoni Sabido, at si Corporal Herbert Aquino.
Nakasagupa ng Army’s 46th Infantry Battalion ang grupo ng NPA’s Pulang Bagani Command 3 kung saan tumagal ng 30-minuto ang bakbakan. Gayon pa man, habang nagsasagawa ng clearing operations ang mga sundalo ay biglang hinagisan ng bomba ng mga rebelde kaya namatay sina Pantonial at Bantulo habang sugatan naman sina Velonta at Sabido.
Samantala, bandang alas-6 ng gabi ay muling sumiklab ang bakbakan sa Sitio Biasong sa Brgy. Napnapan na tumagal ng 10-minuto bago napatay si Moreno. Sugatan din si Aquino ng medical team ng KM450 military ambulance matapos sumabog ang landmine sa kahabaan ng Tibagon Road sa nasabing bayan.
- Latest