MANILA, Philippines - Dalawang hindi kilalang babae at lalaki ang natagpuan sa loob ng sasakyang sinunog sa kahabaan ng road dike sa Brgy. Dimasalang, bayan ng Talavera, Nueva Ecija noong Linggo ng hatinggabi, ayon sa ulat kahapon. Sa inisyal na ulat ng pulisya na isinumite sa Camp Crame, dalawang sasakyan ang dumaraan sa nasabing lugar bago nakarinig ng pagsabog kung saan isa sa mga sasakyan ang biglang nagliyab. Ayon sa pulisya, isang oras bago naapula ang nagliliyab na sasakyan kung saan natagpuan ang dalawang bangkay na halos natusta. Lumitaw naman sa imbestigasyon na may butas sa bungo at dibdib ang mga biktima na palatandaang binaril muna saka sinunog sa loob ng sasakyan upang itago ang krimen.