INFANTA, QUEZON, Philippines – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang helper sa isang construction company makaraang makuryente habang hawak ang isang live wire sa barangay Ingas, kamakalawa ng hapon.
Natusta ang buong katawan dahil sa lakas nang boltahe ang biktimang si Jomarie Gonzales, 23, binata, empleyado ng Pagadora Construction Company at residente ng barangay Poblacion 1, Real, Quezon.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong ala-1:00 ng hapon ay ikinakabit ng biktima ang live wire ng welding machine sa main switch subalit nadulas ito at napakapit sa kuryente.
Dahil sa basa ang paang walang suot na tsinelas ay pumasok ang malakas na boltahe ng kuryente sa katawan ng biktima at nagkikisay. Isinugod naman ito ng kanyang master welder na si Jomar Salcedo sa Claro M. Recto District Hospital subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga.