CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga, Philippines – Nauwi sa trahedya ang masayang inuman matapos na mapatay sa saksak ang isang lalaki na nagbiro lamang sa Brgy. Calantas, Floridablanca kamakalawa ng gabi.
Sa ulat kay P/Supt. Johana Rosales, hepe ng Floridablanca Police, kinilala ang nasawi na si Fernando Mendoza, 38, ng nasabing lugar habang ang suspek ay si Eduardo Calapano, 25, tubong Samar at nakatira sa Brgy. Calantas, Floridablanca.
Sa pagsisiyasat, habang kumakain umano ng mami si Calapano kasama ang pinsan matapos mag-inuman nang biglang dumating si Mendoza at isang kasama nito na umano’y nagbiro. Pinalo umano siya sa ulo ng isang bote, na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa tumakbo si Calapano sa kanilang bahay na hinabol naman ni Mendoza at pinagbabato pa nito ang bahay ng una, Paglabas ni Calapano, may dala na siyang patalim at saka nito sinaksak si Mendoza na nagtamo ng malalalim na sugat sa katawan.
Nagawa pang isugod sa pinakamalapit na ospital ang biktima subalit idineklarang dead-on-arrival.