MANILA, Philippines – Apat katao na ang naitalang namatay dahil sa rabies matapos na makagat ng aso sa apat na magkakahiwalay na lugar sa Oriental Mindoro.
Batay sa ulat ng Department of Health (DOH) office ng Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan (MIMAROPA) na kabilang sa nasawi ay isang 35-anyos na lalaki sa Bansud, isang 58-anyos na lalaki mula sa Gloria, isang babae mula sa Pinamalayan at isang 35-anyos na lalaki mula sa Socorro, pawang sa Oriental Mindoro.
Nagbabala naman si Regional Director Eduardo Janairo sa mga residente na mag-ingat sa mga asong gala o kahit alagang aso na posibleng infected ng rabies.
Ayon kay Janairo, sa ulat na natanggap niya mula sa DOH-MIMAROPA Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), ang apat na rabies deaths ay naitala sa pagitan ng Nobyembre 16- Disyembre 21, 2015.
Anya,sakaling makagat ng aso ay huwag ipagwalang bahala at sa halip ay agarang hugasan ng tubig at sabon sa loob ng 10 minuto at lagyan ng antiseptic tulad ng alcohol, povidone iodine o betadine at agad dalhin sa doctor o pinakamalapit na Animal Bite Treatment Center (ABTC) para mabigyan ng tamang payo sa tamang pag-aasikaso sa sugat.
Dapat din aniyang iwasan ang pagsipsip ng sugat gamit ang bibig, paglalagay ng bawang sa sugat, paggamit ng ‘bato,’ barya o tandok sa sugat.
Iginiit din naman ni Janairo na pinakamainam pa ring pag-iingat laban sa rabies ay ang pagbabakuna sa mga aso at pagbibigay ng edukasyon sa mga dog owners hinggil sa responsible pet ownership.