BIFF umatake: 8 sibilyan minasaker!
North Cotabato, Philippines – Walo ang patay kabilang ang tatlo sa limang sibilyan na dinukot nang umatake ang may mahigit 200 miyembro ng mga pinaniniwalaang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Kauran Ampatuan, Maguindanao nitong Huwebes ng madaling-araw.
Kinilala ang lima sa walong napatay na sibilyan na sina Mario Sito Estoque, Inpi Bakais, Mark Anthony Timpla, Bernard Ibagat at Mario Estonte na pawang tinadtad ng bala.
Sa unang nakalap na impormasyon ni Supt. Rienante Cabico, tagapagsalita ng Sultan Kudarat Police, bukod sa brutal na pagpatay sa limang residente, tinangay pa ng mga rebeldeng grupo ang limang sibilyan na sina, Jerry Alsagar at asawang si Salome, 12- taong gulang na anak nito na si Jayson, Julian Angelo Genilza at isang alyas Moroy.
Ilang oras matapos ang insidente, dakong alas-4:00 na ng hapon kamakalawa nang marekober ng pulisya ang katawan ng tatlo sa limang dinukot na sina Gerardo Alsagar alias Jerry at Julian Angelo Genilza na natagpuan sa palayan ng Purok Kakal ng Brgy. Paitan, Esperanza, Sultan Kudarat habang ang bangkay ng isang Teodolfo Cabaylo ay narekober sa maisan. Sina Salome at anak na si Jayson ay nakita namang nagtatago sa kanilang bahay na takot na takot dahil sa pangyayari.
Ayon kay Brgy. Kauran kagawad Romel Rodriguez, dalawang oras bago ang pagsalakay ay unang hinarass ng grupo ng mga rebelde ang detachment ng 33rd IB Philippine Army sa Brgy. Banaba Datu Abdullah Sangki, Maguindanao pasado alas-3 ng madaling-araw at wala pang ulat kung may nasaktan sa kanilang panig.
Nabatid na habang paatras umano ang rebeldeng grupo na pinangungunahan nina Kumander Alon at Kumander Samad, napadaan sila sa isang komunidad sa Barangay Paitan at dito namaril ng mga sibilyan.
Limang nabanggit na sibilyan na sakay ng mga topdown papunta sa bukirin upang mag-spray ng pananim ang pinadapa ng mga BIFF figthers at saka tinadtad ng bala sa kanilang ulo. Napadaan pa sila sa isang kalapit na barangay at dito dumukot ng limang katao.
Inilagay na sa heightened alert ang lugar at daan-daang mga residente ang nagsilikas, dahil sa patuloy na pagtugis ng mga awtoridad sa mga rebelde.
- Latest