6 tindahan tiklo sa iligal na paputok

Sinusuri ng tauhan ni P/Supt. Ganaban Ali at grupo ng Civil Security Group ang mga paputok na ibinebenta sa Barangay Turo, bayan ng Bocaue, Bulacan. Nasamsam naman ang mga iligal na produkto sa anim na tindahan matapos na makitang may paglabag sa batas ang mga ito. Boy Cruz

BULACAN, Philippines – Anim na tindahan ang nakatakdang ipasara makaraang makumpiskahan ng iba’t ibang uri ng iligal na paputok sa inilatag na operasyon ng pulisya sa Barangay Turo, bayan ng Bocaue, Bulacan kahapon.

Kabilang sa mga tindahang kakasuhan sa paglabag sa R.A. 7183 ay ang MJ and Pat Fireworks, Curtibogs Fireworks, Golden JS Fireworks, Alex Fireworks, Lucy’s Fireworks at ang Hailey’s Fireworks na nasa Santiago Compound sa nasabing barangay.

Sa police report na isinumite kay P/Senior Supt. Ferdinand Divina, Bulacan PNP director, dakong alas-3 ng hapon nang salakayin ng pulisya kasama ang mga tauhan ng Civil Security Group na nakabase sa Camp Crame, Quezon City ang mga tindahan na sinasabing nagbebenta ng illegal na paputok.

Nasamsam ang mga iligal na paputok na hindi maayos ang label at kawalan ng wikang Pilipino bilang instruction.

Show comments