MANILA, Philippines – Nauwi sa trahedya ang pangho-hostage sa isang ginang ng seloso nitong live-in partner na nautas sa kanyang pinasabog na kasama ang isang boat operator habang apat na bata ang nasugatan sa madugong hostage drama sa aplaya ng Brgy. Patalon, Zamboanga City kahapon ng umaga.
Kinilala ni Chief Inspector Joel Tuttuh, spokesman ng Zamboanga City Police ang nasawing hostage taker na si Danilo Ocampo at ang nadamay na boat operator na si Boyoy Mohammad, kapwa dead-on- the-spot sa insidente.
Minalas naman tamaan ng granada ang apat na batang magkakapatid na ang bahay ay sa tabing dagat sa lugar na sina Romelyn Ramos, 12; Joemarie Ramos, 10; James Ramos, 9 at Roger Ramos, 7, pawang nilalapatan ng lunas sa Labuan Public Hospital.
Ayon kay Tuttuh, nakaligtas sa insidente si Maritess Mañalac matapos na makatakbo habang nagwawala ang live-in partner. Tinangkang awatin ni Mohammad.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Tuttuh, bandang alas-10:49 ng umaga nang mangyari ang insidente habang kadadaong lamang ng bangka ni Mohammad lulan si Ocampo at ang hinostage nitong live-in partner na si Mañalac sa tabing dagat ng nasabing lugar.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nag-away ang nasabing mister at ang live-in partner nito bunga ng matinding selos kung saan hinostage nito ang nasabing ginang mula sa Sibuco, Zamboanga del Norte na isinakay sa kinontratang bangka ni Mohammad patungong Zamboanga City. Ang ginang ay naglayas umano sa kanilang tahanan at sinundan ng suspek sa pamilya nito sa lugar.
Habang nasa tabing dagat matapos na dumaong sa Brgy. Pantalon, Zamboanga City, nagawang makatakbo ng Ginang sa kamay ng kanyang live-in partner na may hawak na granada.
Tinangkang awatin ni Mohammad ang nasabing suspek subalit sa gitna ng pagwawala nito, bigla niyang natanggal ang pin ng hawak nitong granada hanggang sa sumambulat at nasabugan ang dalawa.
Dahil malapit lamang sa lugar ang bahay ng mga magkakapatid na paslit, minalas silang nahagip at tamaan ng mga fragment ng granada.