BULACAN, Philippines – Pinaniniwalaang pangungulila sa asawa kaya nagpakamatay ang 40-anyos na mister matapos itong magbigti sa inuupahang apartment sa Barangay Tanauan, bayan ng Bustos, Bulacan kahapon ng umaga. Ayon kay PO2 Jereland Salinas, dakong alas-7 ng umaga nang madiskubreng nakabitin sa pintuan ng apartment ang biktimang si Michael Concepcion. Kaagad namang ipinagbigay-alam ni Nelson Liga sa pulisya ang nadiskubreng insidente. Huling namataang buhay ang biktima na malulungkutin dahil sa pangungulila sa kanyang misis na kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa bilang OFW. Tumanggi naman ang mga kaanak ng biktima na isailalim sa autopsy ang bangkay nito kung saan lumagda sila sa waiver na nagpapatunay na nagpatiwakal nga ito.