MANILA, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng isang alkalde at kalihim nito matapos arestuhin ng mga operatiba ng pulisya sa kasong estafa sa bayan ng Lingig, Surigao del Sur kamakalawa.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group Director P/Chief Supt. Victor Deona, kinilala ang nasakoteng lokal na opisyal na si Lingig Mayor Roberto Luna Jr.
Arestado rin ang kalihim nito na si Albert Tranquilan na sinasabing kasabwat sa kasong estafa na isinampa laban sa kanila.
Sa report ng CIDG Surigao del Sur at PNP regional office, dakong alauna ng hapon nang dakpin ng mga operatiba si Mayor Luna at kalihim nito sa municipal hall ng nasabing bayan.
Ayon kay P/Supt. Randy Glenn Silvio, sina Mayor Luna at Tranquilan ay kapwa nahaharap sa kasong estafa na may warrant of arrest na inisyu ni Judge Rufo Naragas ng Bislig City Regional Trial Court Branch 29 sa Surigao del Sur.