Mag-utol sinalvage!

NUEVA ECIJA, Philippines – Kapwa may tama ng bala sa ulo at binalutan pa ng pac­kaging tape ang dalawang magkapatid na lalaki nang matagpuan ang kanilang bangkay sa isang irigasyon sa Purok 3, Barangay Campos, bayan ng Talavera, noong Huwebes ng umaga.

Nakilala ang dalawang biktima na sina Manuel Tamayo III, alyas Ompong, 25-anyos, binata, isang tricycle driver at ang nakatatandang kapatid nito na si Roman Tamayo, alyas Ron, 38, may-asawa, isang watch technician at kapwa nakatira sa Barangay Bacal III ng nasabing bayan.

Ayon sa pulisya, natagpuan ng alas-7:20 ng umaga ang bangkay ng magkapatid ng isang dumaang magsasaka.

Matapos na madiskub­re ang bangkay ng magkapatid, agad umanong nagtungo ang nasabing magsasaka sa mga opisyal ng kanilang barangay na siya namang humingi ng tulong sa pulisya.

Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operations (SOCO), ang mga biktima ay ibinalot sa sako matapos umanong balutin ng packaging tape ang kani-kanilang ulo.

Ayon sa tatay ng da­lawa, umalis ng kanilang bahay ang mga anak noong Nobyembre 3 sakay ng motorsiklo subalit hindi na nakauwi kaya kinabukasan ini-report nito bandang alas-8 ng gabi ang kanilang pagkawala.

Show comments