May kasong kriminal, itinumba

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Pinabulagta ang 47-anyos na mister na sinasabing may kinakaharap na kasong kriminal matapos itong pagbabarilin ng riding-in-tandem assassins sa Barangay Puro, bayan ng Aroroy, Masbate kamakalawa ng hapon. Napuruhan sa ulo ang magsasakang si Bayani “Baning” Balbuena ng Sitio Mangga sa nasabing barangay. Sa police report na isinumite sa Camp Simeon Ola, lumilitaw na nakatayo ang biktima habang naghihintay ng masasakyan nang lapitan at ratratin ng tandem dakong alas-3 ng hapon. Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng cal 45 pistol. Napag-alamang inaresto ang biktima sa kasong kriminal noong Sept. 25, 2015 subalit nakalaya matapos makapagpiyansa.

 

Show comments