LUCENA CITY , Philippines – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang dalawang babae habang malubhang nasugatan ang tatlong iba pa nang araruhin ang kanilang sinasakyang tricycle ng isang pampasaherong bus sa diversion road ng Brgy. Silangang Mayao, ng lalawigan kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan na sina Joan Roxas, 37, ng Brgy. Dalahican at isang tinawag na Aleng Gloria, 65, ng Brgy. Silangang Mayao.
Ginagamot naman sa MMG Hospital sina Ariel Cabrera, 31, may-asawa driver/ owner ng tricycle na sinakyan ng dalawang nasawi at dalawang iba pa na sina Geremias Roa, 35, at asawang si Gen Manasterial, 32, kapwa ng barangay Dalahican.
Ayon sa ulat ni P/Supt. Joel de Mesa, chief of police dito, bandang alas-11:30 ng gabi habang binabagtas ng mga biktima lulan ng walang plakang tricycle ang diversion road patungo sa diireksyon ng Pagbilao, Quezon nang biglang banggain ng Philtranco bus (ABG-7601) na minamaneho ni Romeo Manrique ng Iriga City. Inararo pa ng ilang metro ng bus ang tricycle at huminto lamang nang makita nitong nagkayupi-yupi ang nasabing sasakyan.
Bago dumating ang mga rescuer, mabilis na tumakas ang tsuper ng bus at inutos na ni de Mesa ang pagtugis sa kanya upang papanagutin sa patung-patong na mga kaso.