MANILA, Philippines - Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko partikular na ang mga residente sa mga lugar na binaha ng bagyong Lando.
Ayon kay DOH spokesperson Dr. Lyndon Lee Suy, hindi umano dapat na magbabad o maglaro sa baha dahil malaki ang posibilidad na kontaminado ng ihi ng daga na sanhi ng bacterial disease.
Sakaling hindi maiwasang lumusong at makalipas ang ilang araw ay makaramdam ng trangkaso, mas makabubuti umano magtungo na sa doktor. Bagama’t maaaring dumaranas na ng ibang uri ng sakit.
Ang leptospirosis ay isang bacterial disease na mararamdaman sa loob ng pito hanggang 10 araw. Ilan sa mga sintomas nito ay high fever, muscle pains, chills, eye redness, abdominal pains, vomiting, rashes at diarrhea.
Bagama’t mababa lamang ang fatality rate maaari umano itong ikamatay kung hindi maaagapan.
Nabatid kay Suy na may gamot naman upang maiwasan ang leptospirosis subalit hindi naman nila ito basta-basta inirerekomenda. Kailangan pa rin munang kumonsulta ng pasyente sa doktor.