MANILA, Philippines - Dahil sa pagtangging ibalik ang dote (dowry), pinagbabaril ng desperadong mister at kaniyang mga kasamahan ang pamilya ng kaniyang misis kung saan napatay ang biyenan nito, dalawang iba pa at apong lalaki habang dalawa naman ang malubhang nasugatan sa naganap na masaker sa bayan ng Banguigui sa Sulu kahapon ng madaling araw.
Kabilang sa nga biktima napatay ay si Junaid Ayyub, 52; anak nitong si Auja Ayyub,16; Almasin Ayyub,10; at ang anak na si Adzar Sanani, 3.
Malubha naman na sina Alnaid Ayyub,15; at Rena Ayyub, 9, mga anak ni Junaid.
Sa ulat ni Brig. Gen. Alan Arrojado, commander ng Joint Task Group Sulu na isinumite sa Camp Aguinaldo, naganap ang masaker sa bahay ng pamilya Ayyub sa Barangay Sigumbal dakong ala-una ng madaling araw.
Ayon kay Arrojado, tatlong kalalakihan, isa rito na may alyas na Asan mula sa bayan ng Omar ang sumulpot at puwersahang pinasok ang bahay ng pamilya.
Lumilitaw na nag-ugat ang insidente sa paghihiwalay ni Asan at ng misis nito na anak ni Junaid kung saan iniwan ang mister at umuwi ito sa kaniyang pamilya sa bayan ng Banguingui.
Nagmatigas ang misis ni Asan na makipagbalikan kung saan hinihirit naman ng kabilang panig na ibalik ang dote na ibinigay nila sa pamilya Junaid nang magpakasal ang dalawa.