Mag-asawang dayuhan minasaker

Cavite, Philippines – Kapwa tadtad ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang isang Koreano at misis na Chinese nang matagpuan sa kanilang tahanan sa Amadeo, Cavite kamakalawa ng gabi.

Sa gate ng kanilang bahay sa Brgy. Banay-Banay natagpuang nakabulagta ang biktimang si Lee Yong Kil, 56, Korean national habang sa loob naman ng bahay nakitang duguang nakahandusay ang misis nitong si Mei Yu Eiao, 42, Chinese National na kapwa wala ng buhay.

Sa inisyal na ulat kay Cavite PNP Spokesperson Police Supt. Albert Tapulao, dakong alas-7:30 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang pulisya mula kay Barangay Capt. Maximo Bawalan na may naganap na pamamaril sa kanilang barangay kaya agad na rumesponde ang mga awtoridad.

Sampung basyo ng cal. 9mm ang narekober sa crime scene habang sa ba­yan naman ng Silang, Cavite natagpuan ang Hyundai na kotse ng mag-asawang biktima na posibleng ginamit na getaway vehicle ng mga suspek.

Blangko pa ang awtoridad sa motibo at mga suspek sa krimen pero malalimang imbestigasyon ang ginagawa nila upang agad na malutas ang kaso.

Show comments