TUGUEGARAO CITY, Philippines – Tatlo katao kabilang ang isang 36-anyos na miyembro ng Philippine National Police ang nasawi matapos na masangkot sa magkakahiwalay na aksidente ang sinasakyang mga motorsiklo sa Ilagan city, Isabela at Gonzaga, Cagayan kamakalawa.
Kinilala ni Supt. Vicente Valdez, hepe ng PNP Ilagan City ang nasawi na si PO3 Francisco Buquel, nakatalaga sa Kalinga-Isabela Police detachment sa Quezon, Isabela at tubong Tuguegarao City, Cagayan. ?
Nabatid na nawalan ng kontrol si Buquel sa minamanehong motorsiklo dahil sa madulas na highway ng Barangay San Andres dulot ng ulan habang patungo sa kanyang duty dakong alas-11:30 kamakalawa ng gabi.
Sa Gonzaga, Cagayan sinasabing kapwa lasing ang mga drayber ng motorsiklo na sina Erwin Cariaga, 26-anyos, obrero at estudyanteng si Larry Galardo Jr., 22, nang magkasalpukan ang minamaneho nilang motorsiklo sa kurbadang bahagi ng highway sa Barangay Pateng.? Kritikal naman ang mga angkas ng biktima na sina John Dazun, 20 at John Nicole Aglanao, 18.