MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nabitin ang isang bosero matapos nitong pagsusuntukin ang isang dalaga na kanyang binobosohan sa banyo matapos na hindi ito naghubad bagkus ay naglaba lang ng panty naganap kamakalawa sa Brgy. Tuquib, Villaviciosa, Abra.
Kinilala ang biktima na si Mary Angeline Pe Ablan, 23, ng Community Empowerment Foundation (CEF) Kalahi at residente ng Brgy.Tuquib,Villaviciosa.
Arestado naman ng nagrespondeng barangay tanod ang suspek na si Rodel Borce, 30, magsasaka.
Sa ulat ng Cordillera Police, bago ang panggugulpi ng suspek sa biktima dakong alas-11:00 ng gabi ay pumasok sa banyo ang dalaga upang maglaba ng kaniyang panty na lingid sa kaalaman ay nasa kisame ang suspek at namboboso.
Dahil sa naglaba lang ang dalaga at hindi naligo ay nagalit ang suspek kaya’t lumundag ito mula sa kisame at pinagsusuntok sa mukha ang dalaga na tinangka pa nitong pagtatagain na mabuti na lamang na nakatakbo palabas ng banyo.
Nagawa namang makapagtago ng dalaga na humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay habang mabilis na tumakas ang suspek.
Nasakote naman ang suspek sa follow-up operations ng mga otoridad na pinaniniwalang nabitin sa dalaga.