TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Pinaniniwalaang matinding selos ang isa sa motibo kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dating karibal sa pag-ibig ang 52-anyos na newspaper columnist sa loob ng convenience store sa Barangay Centro, bayan ng Pasuquin, Ilocos Norte noong Biyernes ng gabi. ?
Ayon kay P/Insp. Roderick Rabago, deputy chief ng Pasuquin PNP, hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Steve Bareirro, kolumnista ng pahayagang Ilocos Times, miyembro ng Rotary Club sa nasabing lalawigan at nakatira sa Barangay 235 sa Laoag City.?
Pinaghahanap naman ang pangunahing suspek na si Oliver “Boyet” Doctor.
Base sa police report, lumilitaw na bumibili ng pagkain sa Ploy’s Tambayan Convenience Store ang biktimang kasama ang kanyang anak na si Maria Stephany nang lapitan at ratratin ng suspek.
Nabatid din sa imbestigasyon na karelasyon ng biktima si Criselda Aguinaldo na sinasabing dating ka-live-in ng suspek.
Samantala, bukod sa anak na babae ng biktima ay nagsilbi ring saksi sa krimen ang grupo ng kalalakihan na nag-iinuman sa loob ng convenience store.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 9mm pistol habang pinaghahanap na ng pulisya ang suspek at patuloy naman ang imbestigasyon.