MANILA, Philippines – Walang nakuhang ebidensya ang Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) IV-A sa naarestong person of interest kaugnay sa kasong pagpatay sa cameraman ng CNN Philippines TV network na si Jonathan Oldan sa Imus City noong Hunyo 25, 2015.
Nilinaw ni P/Chief Inspector Elizabeth Jasmin, spokesman ng PNP-CIDG sa progreso ng imbestigasyon ay hindi naikonekta sa krimen ang suspek na si Edgar Angelo Labi.
Si Labi ay inaresto ng mga operatiba ng CIDG Region IV A sa Chesapeake Subdivision, BNT, Imus City, Cavite noong Hulyo 30 kung saan nasamsam ang cal. 40 pistol na may 50 bala.
Base sa tala ng pulisya, ang 30-anyos na biktimang si Oldan ay pinagbabaril ng di-kilalang lalaki gamit ang cal. 40 pistol sa bisinidad ng Bukaneg Street sa Barangay Pinagbuklod sa nasabing lungsod noong Hunyo 25, 2015.
Ang pagkakadakip kay Labi ay bahagi ng isinasagawang operasyon laban sa mga nagtataglay ng walang lisensyang cal. 40 pistol.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Jasmin na dapat pa ring managot sa batas si Labi kaugnay ng kasong paglabag sa Republic Act 10591(Comprehensive Firearms Law).