Parak, 1 pa patay sa holdap!

Crime scene tape

MANILA, Philippines - Nagbuwis ng buhay ang isang nagrespondeng pulis habang nasawi rin ang isang ginang makaraang pagbabarilin ng mga hinihinalang miyembro ng robbery/holdup gang sa madugong holdapan sa Brgy. San Isidro, Cabuyao, Laguna kahapon ng hapon.

Sa paunang ulat ng Cabuyao Police, pasado ala-1 ng hapon sa tapat ng stop light sa Brgy. San Isidro, Cabuyao ng lalawigang ito nang maganap ang holdapan. Bago ito, nag-withdraw ng P400,000 ang mag-live-in-partner na hindi pa tinukoy ang mga pangalan at magka-angkas sa motorsiklo sa isang bangko sa lugar. Gayunman, sinundan sila ng limang armadong suspek saka pinagbabaril pagsapit sa nasabing lugar kung saan napuruhan ang nasabing misis.

Mabilis namang nag­responde si PO1 Seigfred Angeles na nagkataong nagpapatrolya sa lugar pero inunahan siyang pinaputukan ng sunud-sunod ng mga suspek. Naisugod pa sa Calamba Doctors Hospital ang pulis at ginang pero agad silang binawian ng buhay.

Samantalang masu­werte namang hindi nagtamo ng mga tama ng bala  sa katawan ang live-in partner ng ginang na nagmamaneho ng motorsiklo. Ang mga suspek ay mabilis na tumakas tangay ang  bag ng  nasawing ginang na naglalaman ng nasabing pera.

Show comments